BASILAN- ANIM katao kabilang ang tatlong menor de edad ang na-rescue ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos ang ilang oras na nagpapalutang-lutang sa gitna ng dagat sakop ng Little Coco Island ng nasabing lalawigan kahapon ng umaga.
Ayon kay PCG spokesman Commodore Armand Balilo, may natangap na ulat ang punong himpilan hinggil sa pagkakasagip ng coast guard sa anim na pasahero lulan ng nagka-aberyang bangka.
Sinasabing habang nagpapatrulya sa malawak na karagatan ng sakop ng Sibago Island, Basilan namataan ng BRP Malamawi (FPB-2403) ang bangka na dalawang oras nang hindi gumagalaw kaya’t dikitan ito at sinaklolohan ang mga pasahero kasama ang tatlong menor de edad.
Ayon sa boat operator, umalis sila sa Basilan patungo sana sa Sacol Island, Zamboanga City nang biglang magkaproblema ang makina.
Idinaong ng BRP Malamawi (FPB-2403) ang nagkaaberyang bangka sa Zamboanga City Pier habang ang mga nasagip ay dinala sa PCG District Southwestern Mindanao Medical para sa tulong medikal.
VERLIN RUIZ