AGUSAN DEL SUR – PATAY ang tatlong small scale miners, dalawa rito ay mga menor nang ma-suffocate sa nakalalasong kemikal na naging dahilan para hindi na sila malakabas sa hinukay na mine shaft na may tubig sa Barangay Sta. Theresa, bayan ng Loreto.
Sa ulat ng pulisya kahapon may tatlong lalaki ang idineklarang dead on arrival sa Loreto District Hospital matapos na iahon palabas ng mine tunnel.
Kinilala ng Loreto Municipal Police Station ang mga nasawi na sina Dennis Distor Pegaredo, 27-anyos; Kenneth Kier Daquis Mayuga, 18; at 15-anyos na lalaki, pawang mga residente ng nasabing lugar.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya na habang nasa tinatayang 70 talampakan na ang lalim nang nahukay ni Pegaredo nang biglang may sumingaw na masangsang umano na amoy kung kaya humingi ito ng saklolo.
Mabilis na pumasok sa tunnel si Kenneth para tulungan si Pegaredo subalit hindi na rin ito nakalabas kaya pumasok naman ang 15-anyos na binatilyo na posibleng nalunod sa tubig sa loob ng tunnel.
Sinasabing ilang oras pa bago tuluyang nasaklolohan ang tatlo na tinangka pang maisalba sa pagamutan subalit pare-parehong idineklarang dead on arrival ng attending physician. VERLIN RUIZ