3 MIYEMBRO NG GUN RUNNING SYNDICATE NALAMBAT

LAGUNA-NALAMBAT ng mga operatiba ng Siniloan, Laguna PNP, Provincial Intellligence Unit at Laguna provincial Special operation group ang tatlong pangunahing tauhan ng isang gunrunning syndicate na nag- ooperate sa ilang pangunahing bayan sa ika-apat na distrito ng lalawigang ito.

Sa report na tinanggap ni BGeneral Carlito Gaces, Calabarzon Police Director mula kay Laguna Police chief Col. Randy Glenn Silvio, kinilala ang tatlong suspek na sina Raymond Maghirang, Fernando Pundan at Julito Maderazo.

Ang mga suspek ay matagal na umanong pinaghahanap ng mga operatiba dahil sa maraming sumbong na ang kanilang grupo ang responsable sa mga ibinebentang mga matataas na kalibre ng baril sa Laguna at karatig lalawigan.

Sinabi naman ni Silvio na ang mga naarestong suspek ay konektado sa “ Jayson Cuento Group” na responsable umano sa ilang krimen sa 4th district ng Laguna at isa rin umano ito sa private armed group ng lalawigan.

Ang pagkakaaresto sa tatlo ay nag-ugat sa naganap na pagbebenta ng grupo ng isang .cal 45 caliber pistol sa isang police operatives sa nasabing bayan.

Agad na nagsagawa ng isang gun buy bust ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip sa tatlo.

Nakumpiska rin ng mga pulis sa mga suspek ng isang mobile phone, isang caliber .38 revolver, mga bala at marked money.

Ang tatlo ay nakatakdang sampahan ng kaso sa korte sa paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Firearmas and Ammonitions Act. ARMAN CAMBE