3 MIYEMBRO NG PAMILYA MINASAKER

NATAGPUANG wala nang buhay ang tatlong miyembro ng pamilya na kinabibilangan ng dalawang babae at isang lalaki matapos na pagbabarilin ng nag-iisang gunman na pumasok sa kanilang condo unit sa Quezon City nitong Sabado ng madaling araw.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Jesusa Ugay Tabucol, 59-anyos, may asawa, OFW recruiter, tubong Pangasinan; Jeheart Ugay Tabucol, 21-anyos, binata, walang trabaho, at isang nakilala lamang sa alias “TRIXY”, nasa edad 20-30, dalaga, may taas na 4’11” at nakasuot ng printed sando brown at pink short pants, pawang naninirahan sa Unit 14 Building 21 MRB St., Barangay Commonwealth, Quezon City.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang alas- 3:40 ng madaling araw kahapon nang maganap ang insidente sa tahanan ng mga biktima.

Batay sa imbestigasyon ni Cpl Nido B. Gevero Jr., isang saksi na nakilalang si Rannie Cuyugan, duty INC SCAN at naka-assign sa local congregation of Pilot na malapit lamang sa lugar na pi­nagyarihan ng krimen ang nakatanggap ng message sa facebook mula sa kaibigan na nagtanong kung may narinig umano itong mga putok ng baril mula sa tinitirhan nitong condo.

Dahil dito, agad na umuwi si Cuyugan upang beripikahin ang natanggap na impormasyon pero pagdating nito ay napansin niyang bukas ang gate ng kanilang condo Unit/building at maging ang tahanan ng mga biktima ay bukas din.

Pagsilip umano ni Cuyugan sa bukas na pintuan ay bumungad sa kanya ang nakahandusay na duguang mga biktima kaya agad siyang humingi ng saklolo sa mga opisyal sa kanilang Barangay.

Nabatid ng mga awtoridad na ang nag-iisang salarin na pumasok sa unit ng mga biktima ay nakasuot ng kapote, cap, facemask at armado ng baril.

Ayon sa SOCO Team sa pamumuno ni Lt. Reynaldo Tabbada, pawang nagtamo ng maraming tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril ang mga biktima. Nasamsam sa crime scene ang mga basyo ng bala ng baril.

Masusi nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtotidad sa motibo ng nangyaring krimen upang makilala ang salarin. EVELYN GARCIA

74 thoughts on “3 MIYEMBRO NG PAMILYA MINASAKER”

Comments are closed.