3 MIYEMBRO NG PAMILYA TIMBOG

drug dealer

LAGUNA – MAGKAKASUNOD na naaresto ng mga kagawad ng Sta. Rosa City PNP Drug Enforcement Team (DET) ang tatlong miyembro ng isang pamilya na napabibilang sa Almazan Drug Group matapos magkasa ang mga ito ng buy bust operation sa lungsod kamakalawa ng gabi.

Ayon sa ulat ni PLt. Col. Vicente Amante, hepe ng pulisya kay Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang naarestong mga suspek na sina Julio Rodelio Bacali, alias “Julio” 67, kabiyak nitong si Angela Esperida, 58, at anak nilang si Jenifer Esperida Bacali, alias Jenny, 22-anyos, pawang mga street sweeper, tubong Brgy. Malaban, Biñan, City at naninirahan sa nasabing lugar.

Sa imbestigasyon, dakong alas-8:20 ng gabi ng magkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ni Amante sa Brgy. Aplaya habang isa sa mga ito ang nagpanggap na buyer gamit ang boodle money na halagang P4,000.

Sinasabing mula sa suspek na si Lola Angela, isinagawa ng pulisya ang transaksiyon kasunod ang agarang pag-aresto kabilang ang kanyang mister at anak na si Jennifer.

Kaugnay nito, sinabi ni Amante na matagal na umanong target ng mga ito ang mga suspek na pawang nasa drugs watchlist kabilang ang kinaaniban nilang grupo ng sindikato kung saan unang naaresto ng mga ito ang dalawa pa sa kanilang mga kasamahan notong nakaraang ilang araw. DICK GARAY

Comments are closed.