(3 Navy personnel sugatan sa pambobomba) SOVEREIGNTY CLAIM NG CHINA PINALALATAG NG DND

HINAMON ni Department of National Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. ang China na ilatag ang sovereignty claim nito sa arbitration sa gitna ng sunod sunod na panghaharass ng China Coast Guard at China Militia sa West Philippine.

Kahapon kinumpirma ni National Security Adviser Eduardo Año na may tatlong Philippine Navy personnel na sakay ng civilian chartered boat ng Navy para magsagawa ng resupply mission sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal ang malubhang nasugatan.

Kasunod ng panibagong pambubully na naranasan ng mga sundalong Pinoy ay nagbanta pa ang China sa Pilipinas na maghanda sa lahat ng posibleng kahihinatnan sa gitna ng mga aksyon umano ng mga barko ng Pilipinas sa West PH Sea.

Tinawag na pananakot ni Teodoro ang pagbabanta na ginawa ng China sa Pilipinas matapos ang pinakahuling insidente sa Ayungin Shoal noong Sabado.

Ayon kay Teodoro, propaganda lamang ang pag-angkin ng China sa malaking bahagi ng South China Sea dahil maliban sa wala itong basehan ay wala naman sa ibang bansa ang naniniwala sa kanilang kasaysayan.

Nanawagan pa ang kalihim na magkaisa ang sambayanang Pilipino para igiit ang soberanya at karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea alinsunod sa UNCLOS at international laws. VERLIN RUIZ