CAGAYAN-MAGKAHIWALAY na nasakote sa checkpoint ng pulisya at militar ang tatlong opisyal ng New People’s Army (NPA) at isa pang miyembrong babae nito sa Tuguegarao City at sa bayan ng Gattaran.
Kinilala ang mga ito na sina Violeta Ricardo, alyas Ka Issa, Deputy Secretary ng Northern Front Committee, at pinuno ng Regional finance ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley; Cristina Miguel Garcia alyas Ka Senyang, staff Regional Operation Department ng Kilusang Guerilla Cagayan Valley; at Delailah Padilla alyas ka Domsay, Education Staff Squad Dos ng Northern Front na kumikilos sa east at west ng lalawigan ng Cagayan.
Habang si Delailah Padilla na nasa most wanted list na may patong sa ulo ng P700,000 ay asawa umano ng lider ng NPA na si Renato Busania na kasalukuyang tinutugis ng awtoridad na nagtatago sa malawak na bulubundukin ng Sierra Madre.
Napag-alamang mahigit sa isang buwan na pagmamanman ng pinagsanib na puwersa ng AFP-PNP ay nadakip sila sa magkahiwalay na checkpoint sa Naddungan Gattaran, Cagayan at Leonarda, Tuguegarao City.
Naaresto si Carol Garcia, tubong Tondo at naninirahan ngayon sa Brgy. Leonarda na contact umano ng mga NPA at nagka-kanlong ng mga kriminal sa kanyang tinitirhan sa Tuguegarao City.
Si Ka Issa ay mayroong kinakaharap na dalawang kaso ng murder, isang frustrated murder at rebelyon na may patong sa ulo na P2.4 milyon.
Habang si Ka Senyang ay mayroon ding kinakaharap na kasong tatlong bilang ng murder, isang kaso ng frustrated murder, isang qualified assault upon an agent in authority with murder.
Habang si Ka Domsay ay nahaharap sa kasong murder at robbery with murder at may patong sa ulong P700,000.
Ang operasyon laban sa mga nasabing NPA ay isinagawa ng PNP-Region 2, Criminal Investigation and Detection Group at militar.
Kaugnay nito, ipinag-utos ng mga opisyal ng PNP-Region 2 at AFP ang mahigpit na pagbabantay at pagiging alerto upang matiyak na hindi sila malusutan sa posibleng tangkang pag-atake ng NPA. IRENE GONZALES