BATANGAS- TATLONG kasapi ng rebeldeng grupong New People’s Army ang napatay sa naganap na sagupaan nang masabat ng militar sa Sitio Maligas, Barangay Acle, at Barangay Bolbok, sa bayan ng Tuy sa lalawigang ito.
Ayon sa Army 2nd Infantry Division dalawang beses na nakasagupa ang communist terrorist group at mga tauhan ng 59th Infantry Battalion ng Army bandang ala-6:30 ng umaga.
Unang nasabat ng nagpapatrolyang mga tauhan ng 59th Infantry (PROTECTOR) Battalion ang siyam na armadong miyembro ng teroristang NPA sa nagsangang ilog sa Sitio Maligas, Barangay Bolbok, Tuy, na agad na nauwi sa engkwentro.
Matapos ang unang bugso ng putukan sa Barangay Acle dakong ala-6 ng umaga, dalawang NPA kabilang ang isang babae at isang lalaki ang natagpuang walang buhay sa encounter site.
Narekober din sa lugar ang tatlong baril na kinabibilang ng isang R4, UZI machine pistol at M16 rifle.
Nagpatuloy ang hot pursuit operation ng militar nang muling magpang-abot ang magkabilang panig dakong alas 8:40 ng umaga sa bulubunduking bahagi ng Brgy. Bolbok, Tuy, hanggang sa tuluyang umatras ang mga rebelde.
Sa clearing operation, isang bangkay ng lalaking rebelde ang natagpuan sa ikalawang encounter site.
Tinataya namang nasa 145 residente ang naapektuhan ng engkuwentro sa mga barangay ng Taludtod at Dao sa bayan ng Tuy, na lumikas sa evacuation centers.
VERLIN RUIZ