3 OFWs PATAY SA SUNOG SA KUWAIT

TATLONG overseas Filipino workers (OFWs) ang nasawi sa sunog na tumupok sa isang gusali sa Kuwait noong Miyerkoles ng gabi, ayon sa Department of Migrant Workers (DMW).

Sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na ang tatlo ay namatay sa pagkakalanghap ng usok.

Ang mga biktima ay kabilang sa grupo ng 11 OFWs na nagtatrabaho  sa isang Kuwaiti construction company na tumutuloy sa nasunog na gusali.

Sinabi pa ng ahensiya na dalawa pang OFWs ang nananatili sa kritikal na kondisyon sa isang ospital, habang ang nalalabing anim ay ligtas at hindi nasaktan.

Kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang Philippine officials, sa pangunguna nina Cacdac at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator Arnell Ignacio, sa mga pamilya at kaanak ng 11 apektadong OFWs.

Inatasan din ni Cacdac ang OWWA at ang  Migrant Workers Office sa Kuwait na makipag-ugnayan sa  Philippine Embassy sa Kuwait sa ilalim ni Ambassador Jose Cabrera para sa repatriation ng mga bangkay ng mga OFW.

“We are in touch with the families of all the affected OFWs, including the families of those two in critical condition and the families of the three fatalities. Six of them are now safe and provided with their immediate needs,” ani  Cacdac.

“We will provide all the necessary assistance and support to the OFWs and their families in this difficult time as directed by the President,” dagdag pa niya.

Sa ulat ng Kuwait authorities, sumiklab ang sunog dakong alas-4:30 ng umaga noong  June 12 sa gusali na nagsisilbing housing at dormitory facility para sa foreign workers na nagtatrabaho sa Kuwaiti construction company. Ang gusali ay nasa al-Mangaf, isang coastal city south ng Kuwait City.

Hindi bababa sa 49 katao ang nasawi sa sunog, habang marami ang sugatan, ayon sa Kuwait Interior ­Ministry.