3 ONLINE SELLERS TIMBOG SA ILLEGAL NA PAPUTOK

TATLONG online seller ng ilegal na paputok ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group sa Abad Santos Street, Tondo, Maynila.

Sa ulat ni Lt. Wallen Mae Arancillo, spokesperson ng PNP-ACG, nakumpiska sa mga hindi pinangalanang suspek ang iba’t ibang uri ng paputok na ibinebenta online.

Sinabi ni Arancillo na batay sa pagsusuri pawang illegal firecrackers ang nakumpiska sa tatlong naaresto.

“Illegal yung mga ginagamit na firecrac­kers kaya inengage ng mga cybercops natin at yung mga operatiba natin ay nagsagawa ng entrapment operation,” ayon kaqy Arancillo.

Sa datos naman ng PNP, mula Disyembre 6 hanggang Disyembre 16, nakumpirma na tatlong  indibidwal na ang nahuli sa pagbebenta ng illegal na paputok sa online.

Umabot na sa higit 500 piraso ng paputok ang nakumpiska na nagkakahalaga ng P14,370.

Una nang ipinag-utos ng liderato ng PNP ang pagpapaigting ng operasyon laban sa bentahan ng ilegal na paputok.

Sinabi naman ni PNP-CSG Director, Maj Gen Leo Francisco na mayroon silang coordination sa mga online selling platforms kaya mababantayan ang mga online seller.

“May coordination na tayo sa ating mga territorial units aside we had coordinated with shopee and lazada sa mga delivery ng mga ganitong klaseng products and these activities are ongoing so lahat kami through the directive of our Chief PNP, the ACG, territorial units including the CIDG and CSG are one na magsama-sama kami laban dito sa online selling nitong mga illegal firecracker,” ayon kay Francisco.

Samantala, naki­pagsanib-puwersa na rin ang PNP-ACG sa isa pang online platform na Tiktok para labanan ang iba’t ibang online crimes.

EUNICE CELARIO