SI dating PNP deputy director general Ricardo de Leon ang napili ni incoming President Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang susunod na director-general ng National Intelligence Coordinating Agency.
Ayon kay Presidential Communications Operations Office Secretary-designate Trixie Cruz-Angeles, si de Leon na kasalukuyang presidente ng Philippine Public Safety College ay nagtapos sa Philippine Military Academy (PMA) “Matatag” Class of 1971.
Samantala, si Bangko Sentral ng Pilipinas ( BSP) assistant governor Lilia Guillermo naman ang magsisilbing Commissioner ng Bureau Internal Revenue sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Si Guillermo na dating Deputy Commissioner ng BIR ay kasalukuyan ding pinuno ng BSP Technology and Digital Innovation Office at BSP I.T. Modernization Roadmap of 2018-2033.
Kinilala si Guillermo bilang isa sa mga nagpatupad ng Philippines Tax Computerization Project na ginamit bilang modern tax collection system ng BIR at Bureau of Customs (BoC).
Samantala, itinalaga rin ni Marcos si Atty. Romeo “Jun” Lumagui Jr. bilang Deputy Commissioner for Operations ng BIR. EVELYN QUIROZ