3 PABAHAY ITATAYO SA MAYNILA

IGINIIT ng lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila na ang unang-una na makikinabang sa matatapos na tatlo pang pabahay na itinatayo sa San Lazaro, San Sebastian at sa Pedro Gil ay ang mga kawani ng Manila City Hall.

Ang pahayag ay sinabi ni Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan sa ginanap na “flag raising ceremony” sa Kartilya ng Katipunan kasabay ng panghihikayat nito sa mga kawani ng lokal na pamahalaan na nagnanais makinabang sa itinatayong pabahay ng pamahalaang lungsod na makipag-ugnayan na sa Tanggapan ng Paninirahang Urban ng Maynila o ng Manila Urban Settlement Office (MUSO).

“Ang kagandahan po ng ating mga pabahay ay parang iniipon lang natin ang inyong buwanang ibinabayad. Kasi, pagdating ng panahon at gusto n’yo ng lisanin yung inyong pabahay ay maibabalik sa inyo yoon pong buwanan ninyong ibinabayad,” ani Lacuna.

“Ang isa pa rin pong kagandahan sa ating mga pabahay, napakababa po ng buwanang ibinibigay ninyo. Kung hindi ako nagkakamali, pinakamataas na po diyan, P3000.00. Eh, hindi naman po basta-basta ang pabahay dito sa Lungsod ng Maynila,” dagdag pa ng Alkalde.

Giit pa ng alkalde na sadya niyang inunang sabihan ang mga empleyado ng lokal na pamahalaan ng lungsod upang sila ang unang makinabang sa pinaghirapan nilang lahat.

Kaugnay nito, pinasalamatan ni Lacuna ang pamunuan ng MUSO sa pamumuno ni Atty. Danilo De Guzman, dahil sa pagsusumikap ng mga ito na mabigyan ng isang disente at maayos na tahanan ang mga pamilyang Manileño.
PAUL ROLDAN