3 PANG BIR EXECS BIKTIMA NG KFR SYNDICATE

Erick Balane Finance Insider

TATLO na namang opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang umano’y magkakasunod na naging biktima ng kidnap for ransom syndicate kamakailan.

Dahil sa pangyaya­ring ito ay marami sa hanay ng mga opisyal ng kawanihan ang nagpaplano nang mag-resign para mamasukan sa pri­badong kompanya o  mangibang bansa.

Ito ang unang pagkakataon na narinig sa bibig ng mga opisyal ng BIR ang kanilang planong ‘mass resignations’ dahil tinatayang nasa mahigit 30 na sa kanilang hanay ang nabiktima ng sindikato.

Ang problema kung bakit hindi makagalaw at mabigyan ng hustisya ang mga biktima ng KFR sa BIR ay walang gustong maghain ng rek­lamo, sa halip ay itinatanggi pa ang pagdukot sa kanila.

Sa inisyal na imbestigasyon ng Criminal Investigation Unit ng ­Quezon City Police District, alas-9:30 ng umaga ng June 20 nang dukutin ng sindikato ang isang Las Piñas Revenue District Officer sa Scout Tuazon, Diliman, ­Quezon City. Nagtataka si QCPD Bri­gadier General Joselito Esquivel kung ba­kit ayaw makipag-coordinate sa mga awtoridad ang biktima.

Sumunod na dinukot ang isa pang RDO sa parteng Rizal. Noong una ay napagkamalan ang supervisor ng RDO, at ayon sa source, sa takot ng supervisor ay nagawa nitong ituro sa mga mi­yembro ng KFR ang bahay ng kanyang boss at saka lamang siya pinakawalan at ibinaba sa NLEX. Hindi rin nag­reklamo ang RDO at itinanggi ang pangyayari.

Sinundan ito ng pagdukot sa isang BIR assistant director sa Metro Manila. Todo tanggi rin ang opisyal at hindi rin naghain ng reklamo sa sobrang takot.

Muling naging aktibo ang KFR gang na ang tina-target ay mga BIR executive. Ang kanilang modus ay nilolooban ang bahay ng mga biktima, nililimas ang ‘vault’ ng mga ito o inaabangan sila ng grupo papasok o papauwi para dukutin at ipatubos sa kanilang pamilya.

Pinaniniwalaang na­lansag na ang unang grupo ng KFR na umano’y na-corner ng mga awtoridad sa isang probinsiya. Nakapag-bail umano ang grupo pero sinasabing napatay rin ang mga ito sa iba’t ibang lugar. Ang ikalawang grupong aktibo ngayon, ayon sa source, ay pinamumunuan ng isa sa nakaligtas sa ­unang grupo.

Karamihan sa mga biktima ng sindikato, ayon pa sa source, ay  nakatalaga sa Metro Manila at humahawak ng mataas na posisyon.

Dahil sa planong mass resignation ng BIR key officials sanhi ng KFR syndicate ay tila mas lumabo ang tsansang malutas ang kontrobersiyal na kasong ito.

Nagkataon namang ni-rigodon ang key officials ng BIR matapos na italaga sina BIR regional Director Grace Javier bilang bagong hepe sa Caloocan City, BIR Regional Directors Jethro Sabariaga (Manila), Manuel Mapoy (QC), Romulo Aguila (QC East NCR), Maridur Rosario (Makati), Glen Geraldino (Makati South NCR), Gerry Dumayas (Cabamiro), Antonio Jamonola (Bacolod), Joseph Catapia (Cordillera), Albin Galanza (Laquemiro) at maraming iba pa.



Para sa komento o opinyon, mag-text lamang po sa  09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].

Comments are closed.