UMAKYAT na sa 18 ang bilang ng mga atletang Pinoy na pasok para sa ika-100 paglahok ng Pilipinas sa Olympics makaraang mag-qualify sina swimmers Kayla Sanchez at Harold Hatch at judoka Kiyomi Watanade sa Paris.
At ang roster ay maaari pang lumobo sa 20 habang hinihintay ang opisyal na anunsiyo ng International Golf Federation (IGF) sa Paris qualifiers na sa kasalukuyan ay nasa No. 35 si Bianca Pagdanganan at No. 55 si Dottie Ardina sa top 60 cut off para sa Olympics.
“Great news, and we can even ask for more,” wika ni Philippine Olympic Committtee president Abraham “Bambol” Tolentino mula sa Metz, France, kung saan pinangangasiwaan niya ang pre-Paris training camp sa La Moselle kasama si chef de mission Jonvic Remulla.
“Each day, as the countdown to the Olympics dwindles, the morale goes higher and higher,” ani Tolentino.
Si Sanchez, na nagpalit ng nationality mula Canada, dalawang taon pa lamang ang nakalilipas, ay lalangoy sa women’s 100 meters freestyle habang si Hatch ay nag-qualify para sa men’s 100 butterfly.
Samantala, si Watanabe ay nasa kanyang ikalawang sunod na Olympics makaraang makalusot sa continental qualification route sa women’s -63 kgs.
Sa 20 atleta ay nahigitan na ng Pilipinas ang Tokyo 2020 kung kailan nakopo ni Hidilyn Diaz-Naranjo ang unang Olympic gold medal ng bansa.
“But we’re expecting more,” sabi ni Tolentino na hinihintay pa ang opisyal na anunsiyo mula sa World Athletics sa kung sino ang makakasama ni world No. 2 men’s pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena sa Paris.
Si David Nepomuceno ay kumarera sa men’s 100 at 200 meters sa Olympic debut ng Pilipinas sa Paris 1924 at lumahok sa bawat Olympics matapos nito — natigil lamang sa pag-boykot sa Moscow 1980.
“We’re chasing more history, we’re setting the ante higher,” ayon kay Tolentino, na ang target ay ang mapantayan o mahigitan ang 1 gold, 2 silver at 1 bronze medals na nasungkit sa Tokyo.
Ang iba pang Pinoy na nag- qualify sa Paris ay sina weightlifters Vanessa Sarno, John Febuar Ceniza at Elreen Ando; boxers Aira Villegas, Hergie Bacyadan, Carlo Paalam, Nesthy Petecio at Eumir Felix Marcial; rower Joanie Delgaco; fencer Samantha Catantan; at gymnasts Carlos Yulo, Emma Malabuyo at Levi Ruivivar.
CLYDE MARIANO