BATANGAS- NADISKUBRE ng Bureau of Custom (BOC) ang tatlong undocumented boats matapos na tuluyan kumpiskahin ang yateng ginamit sa pagbiyahe ng 1.4 toneladang shabu na nasabat sa Alitagtag sa lalawigang ito.
Sa pakikipagtulungan ng BOC, PNP at PDEA ay nagsagawa rin ng kanilang sariling imbestigasyon ang Aduana na nagresulta sa pagkumpiska sa private yacht na sinasabing ginamit sa pagpasok ng 1.4 tons ng shabu sa Nasugbu, Batangas.
Magugunitang nasabat ng mga awtoridad ang iligal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P 9.68 bilyon sa inilatag na police checkpoint sa Alitagtag, Batangas noong Abril 15, 2024.
Kaugnay sa isinagawang pagsisiyasat ay nadiskubre ng BOC ang tatlo pang karagdagang pribadong yate na pag-aari rin ng naarestong suspek na hinihinalang sangkot sa international drug trafficking.
Katuwang ang Port of Manila (POM) Customs Investigation and Intelligence Service Field Station (CIIS) sa pangunguna ni Intelligence Officer II Joel C. Pinawin, ay naglabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) noong Hunyo 27, 2024 ang BOC implementing team.
Ang WSD ay inisyu ni POM District Collector Rizalino Jose C. Torralba laban sa subject vessels dahil sa paglabag sa Section 1113 of Republic Act 10863, also known as the “Customs Modernization and Tariff Act.”
Ang mga pakay na pribadong yate na kasalukuyang nakadaong sa Nasugbu, Batangas ay iti-turned over sa POM Auction and Cargo Disposal Division base sa Customs Administrative Order No. 10-2020 “Seizure and Forfeiture Proceedings and Appeals Process.” VERLIN RUIZ