ANO man ang iyong negosyo, tiyak na may iba’t ibang uri ng kostumer ang iyong nakakasalamuha. Ngunit may ilang uri lamang ng kostumer ang nakapagdadala ng malaking benta sa negosyo mo. Itong mga klaseng kostumer na ‘to ang dapat matutukan at pagtuunan ng pansin.
Sa tinatawag na Pareto’s Principle, sinasabi na 20% ng iyong mga kostumer ang nagdadala ng 80% ng benta mo. Maaari ring sabihing ang 20% ng isang uri ng mga kostumer mo ang nag-aakyat ng 80% ng kita mo. Kung gayon, paano mo malalaman kung sino ang mga ito?
Narito ang ilang tips:
#1 Saliksikin ang datos ng mga benta at kostumer
Ang unang gawain sa masinsin na pagpili ng kostumer na tatargetin ay ang pagsaliksik ng mga datos ng mga benta mo kung saan makikita ang uri ng kostumer na bumili sa ‘yo. Kung online ang bentahan, mas madali itong makikita. Ngunit kung wala ka pang datos, mas maiigi na ‘yung magsimula kang mangalap ng datos na ito mula ngayon. Kung mayroon kang ‘feedback form’, mas ok. Ang mahalaga ay makuha mo ang pangunahing datos gaya ng gender, edad, lokasyon (tahanan), at kung ano ang binili o binibili sa ‘yo. Kapag nakuha mo na ang mga datos na ito, mas madali mong mailalagay sa kanya-kanyang kategorya ang mga mamimili mo.
Mula sa mga datos na ito ay malalaman mo ang porsiyento ng mga klase ng bumibili sa ‘yo at kung ano ang binibili at sa gaano kalaking halaga. Ang mga datos gaya ng edad, lokasyon at iba pa ay makatutulong nang malaki upang mapagpare-pareha ang uri ng kostumer sa uri ng mga binibili ng mga ito. Ang lahat ng datos na ito ang magbibigay sa ‘yo ng kaalaman kung paanong promo o marketing ang gagamitin para pabalik-balik sila sa negosyo mo.
#2 Imaginary na Kapihan kasama ang isang imaginary na kostumer
Ang kunwaring pakikipag-kape sa isang kostumer (na imahinasyon mo rin!) ang isa sa mga epektibong pamamaraan ng pag-target sa isang kostumer mo. Ang tawag ko rito ay ang ‘Scarcity Thinking’ kung saan nais mong sumentro sa iisang kostumer lamang dahil alam mong marami pang tulad ng kostumer na ito. Sa pagtutok sa iisang kostumer na ito ay malalaman mo ang maraming bagay sa kanya mula gender, edad, lokasyon, mga hilig (hobbies), ayaw, hanggang sa mga kasalukuyang pinagdaraanan niya. Maaari mo ring gawing makatotohanan ang pakikipag-kape sa isang tunay na kostumer na sa tingin mo ay representate ng malaking bilang pa ng mga kostumer mo. Ang paraan ng pagsasaliksik na ito ay epektibo dahil mas ramdam mo ang kanyang sitwasyon, at naiintindihan ang mga rason kung bakit siya bumibili sa ‘yo ng ilang bagay (o serbisyo), at bakit din hindi.
#3 Gamitin ang social media gaya ng Facebook
Ang social media gaya ng Facebook Page ay may mga datos na ang tawag ay ‘Insights’. Bukod sa ‘Shop’ ng FB kung saan may ilang datos na makikita sa mga kostumer, ang FB ads at FB posts mo ay may mga katapat na datos kung saan makikita ang pinahahalagahan nila para sila ay mag-like, share o comment. Lalo na kung may link (papuntang website mo) ang mga posts, mas mabilis mapag-aralan ang galaw ng mga kostumer mo at makita ang porsiyento ng ‘conversion’ o pagbili nila sa ‘yo.
Isang halimbawa ang pagbilang ng mga nabebentahan mo na nag-pm (personal message) sa FB Messenger. Makikita mo ang ‘conversion rate’ o porsiyento ng mga bumili sa ‘yo mula nang nag-pm sila. Kunin lang ang datos nila gaya ng bagay na binili at sa pagsilip sa kanilang FB ccount, malalaman mo na rin ang maraming bagay ukol sa mga kostumer na ito.
Sa dulo, ang mahalagang gawin ay pag-aralang mabuti ang mga kostumer mo na masasabing may halaga sa negosyo mo. Hindi po tsamba-tsamba ang bentahan. May datos po dapat para ‘di masayang ang pera at pagod sa marketing mo.
o0o
Si Homer Nievera ay isang technopreneur. Mag-email lang sa kanya ng mga katanungan ukol sa pitak na ito [email protected].