3 PAROKYANO NG LOTTO, SUNOD-SUNOD NA NAGING MULTI-MILYONARYO!

TATLONG  parokyano ng lotto ang magkakasunod na naging multi-milyonaryo matapos na mapanalunan nila ang milyon-milyong jackpot prizes ng lotto games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong linggong ito.

Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, sunod-sunod na napanalunan ng kanilang mga suki ang jackpot prizes ng MegaLotto 6/45, Regular Lotto 6/42 at UltraLotto 6/58.

Sinabi ni Garma na unang napanalunan ng isang taga-Davao City, Davao del Sur, noong Miyerkules, Mayo 26, ang MegaLotto 6/45 na may katapat na jackpot prize na P181,680,185.60 matapos na mahulaan ang winning combination na 23-43-29-32-36-04.

Isang taga-Makati City naman ang nagwagi sa Regular Lotto 6/42 na may jackpot prize na P16,766,666.80 matapos na mahulaan ang winning combination na 05-39-31-11-21-25 noong Huwebes, Mayo 27.

Nitong Biyernes naman ng gabi, Mayo 28, napanalunan ng isang taga-Lipa City, Batangas ang UltraLotto 6/58 na may jackpot prize na P49,500,000.00 matapos na mahulaan ang winning combination na 40-36-41-10-48-35.

Kaugnay nito, pinayuhan ni Garma ang tatlong bagong multi-milyonaryo na upang makubra ang kanilang premyo ay kinakailangan lamang nilang magtungo sa punong tanggapan ng PCSO sa

Mandaluyong City at magprisinta ng dalawang balidong ID at ang kanilang lucky ticket.
Patuloy ring hinihikayat ni Garma ang publiko na tangkilin ang mga PCSO games upang makatulong sa kawanggawa at magkaroon pa ng tiyansang maging susunod na milyonaryo. Ana Rosario Hernandez

6 thoughts on “3 PAROKYANO NG LOTTO, SUNOD-SUNOD NA NAGING MULTI-MILYONARYO!”

Comments are closed.