3 PASILIDAD PARA SA VACCINATION

INIHAYAG ni Paranaque City Mayor Edwin L. Olivarez na tatlong pasilidad ang kanilang gagamitin sa isasagawang pagbabakuna para sa mga residente kapag duma­ting na ang mga inangkat na 200,000 doses na AstraZeneca vaccines ng lokal na pamahalaan.

Ani Olivarez, sa kasalukuyan ay nakikipag-usap siya sa lokal na Commission on Higher Education (CHED) upang magamit ang malalaking eskwelahan sa District 1 at District 2 kung saan isasagawa ang pagbabakuna.

Tinukoy nito, ang Barangay Don Bosco Health Center na sinasabing pinakamalaking vaccination center sa lungsod ang isa sa target na lugar para sa naturang pagbabakuna.

Kaugnay nito, magkakaroon ng vaccination simulation sa darating na Huwebes, Enero 28 sa Ayala Mall sa Macapagal Blvd. bilang preparasyon sa gagawing vaccination program ng lungsod.

Paliwanag ng alkalde na layon nito na masigurong handang-handa na ang lungsod sa vaccination program at nakikipag-ugnayan na rin sa dalawang kumpanya para sa pag-upa ng mga cold storage facility kung saan pansamantalang ilalagak ang mga biniling vaccines na nangangailangan ng 2-8 degrees centigrade storage. MARIVIC FERNANDEZ

Comments are closed.