3 PASLIT NA SANGKOT SA RIOT NA-RESCUE

NA-RESCUE ng mga awtoridad ang tatlong menor-de-edad na sangkot umano sa naganap na riot sa Malabon City kamakalawa ng hapon.

Ayon kay Malabon police Col. Albert Barot, tinurnover sa pangangalaga ng CSWD para sa counseling at proper disposition ang na-rescue na mga kabataang lalaki na edad 10 hanggang 13.

Dakong alas-3:30 ng hapon nang magsagawa ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 sa pamumuno ni Lt Mark Xyrus Santos ng routine patrol sa kahabaan ng C4 Road, Brgy. Longos na nagresulta sa pagkaka-rescue sa tatlong menor-de-edad.

Nabatid na kamakailan ay nagmistulang ‘war zone’ ang isang kalye sa Brgy., Longos nang magbatuhan ng molotov bomb ang dalawang grupo ng kabataan matapos umanong magkahamunan sa group chat at nauwi sa riot.

Kitang kita sa CCTV camera ng Barangay Longos ang dalawang grupo kabataan na may bitbit na bote ng Molotov saka nagpalitan ng batuhan ng bote bago mabilis nagtakbuhan.

Makikita rin ang isang bata na may bitbit pang patalim habang mabilis namang rumesponde sa lugar ang mga barangay tanod kung saan muntik pa silang tinamaan ng ibinatong bote ng Molotov.

Ayon kay Santos, lagi naman silang nagpapatrolya sa naturang lugar subalit tumitiyempo raw ang mga kabataan kapag walang nagbabantay. EVELYN GARCIA