DAVAO ORIENTAL – TATLONG bata ang nasawi nang ma-trap sila sa loob ng isa sa may limampung bahay na natupok sa nangyaring sunog bago maghatinggabi sa Barangay Sto. Niño, Sampaloc, Mati.
Ayon sa Bureau of Fire Protection, mabilis na kumalat ang apoy na nagsimula bandang alas-11:30 ng gabi kaya hindi agad nailigtas ang mga batang may edad na 3, 8 at 10 taon na nakulong sa nasusunog nilang bahay.
Sa salaysay ng lola ng mga biktima na kinilalang si Jamid Halipa, sinubukan niyang iligtas ang kaniyang mga apo subalit lubha na umanong peligroso kaya pinigilan siya ng mga bombero na makalapit pa sa nasusunog na bahay.
Ayon kay Fire Marshal Senior Insp. Christian Cena, iniwan ng kanilang nanay sa asawa nito na ang bahay ay nasa harapan ng tirahan ng kanilang lola na posible umanong nataranta na kaya hindi agad nailabas ang mga biktima.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng mga arson probers na nagmula ang sunog sa bahay ng isang Intoy Culaba at may kinalaman sa sabit-sabit na kable ng koryente.
Tinatayang aabot sa P1.5 milyon ang pinsalang dulot ng sunog na tuluyang naapula ng pinagsanib na puwersa ng Mati City at sa Davao Oriental Provincial Disaster Risk Reduction and Management Councils, Bureau of Fire Protection at Provincial Engineer-ing Office.
Tumulong din ang PNP at Philippine Army upang makontrol ang mga taong nagsidatingan sa lugar upang mas mapabilis ang pagresponde ng mga bombero.
Dumating sa lugar ang mga fire truck mula sa mga bayan ng Lupon at San Isidro bilang suporta sa mga fire truck ng lungsod ng Mati sa pag-apula sa malaking sunog. VERLIN RUIZ
Comments are closed.