PATAY ang tatlong magkakapatid habang tatlo naman ang nasugatan kabilang na ang isang 12 anyos na batang babae matapos na kainin ng apoy ang bahay na tinitirhan ng mga biktima kahapon ng madaling araw sa Brgy. Tatalon , Quezon City.
Batay sa report ni Insp. Jeramile C Valdez, Ground Commander, ang mga nasawing magkakapatid ay nakilalang sina Sofia, 9-anyos, May-May, 7-anyos at Chukoy, 4-anyos.
Habang ang mga nagtamo naman ng matitinding paso sa katawan ay nakilalang sina Bayani Alimagno, asawang si Marie Santos, 31-anyos at ang isa pa nilang anak na si Akisha, 12-anyos na naninirahan sa #96 Kaliraya St., Bayanihan Alley, Brgy. Tatalon, Quezon City.
Ang mga biktima na nagtamo ng pinsala sa katawan sanhi ng mga tinamong paso ay agad na isinugod sa East Avenue Medical Center para sa kaukulang lunas.
Lumitaw sa isinagawang pagsisiyasat ni PCMS Jonar Jorta ng Galas Police Station (PS-11), naganap ang naturang insidente dakong alas-4:15 kahapon ng madaling araw nang biglang sumiklab ang apoy na tumupok sa tatlong palapag na bahay ng mga biktima na pag-aari ng nagngangalang Lourdez Santos.
Ayon sa nakaligtas na mga biktima masyadong mabilis ang mga pangyayari at mabilis na kumalat ang apoy na noon ay mahimbing na natutulog ang kanilang mga anak.
Salaysay ng ama ng mga biktima, tinangka pa umano niyang iligtas ang tatlong nilang anak subalit kumalat na ang malakas na apoy mula sa itaas ng kanilang bahay.
Ayon Insp. Valdez, nagsimula ang sunog sa isang bakanteng kuwarto sa ikatlong palapag ng naturang bahay at hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin nilang iniimbestigahan kung ano ang tunay na pinagmulan ng naturang insidente. EVELYN GARCIA