RIZAL- NAHAHARAP sa kasong multiple homicide at multiple physical injuries ang isang jeepney driver matapos tumaob at sumalpok sa isang poste ng kuryente ang minamaneho nitong sasakyan kahapon ng umaga sa Sitio Alas-asin, Barangay Daraitan, Tanay sa lalawigang ito.
Sa report ni Col. Dominic Baccay, Rizal PNP Provincial Director kay CALABARZON PNP Director BGen Antonio Yarra, ang driver ay kinilalang si Noe Butor ,32-anyos at residente ng nasabing bayan.
Dead on the spot naman sina Maximo Legaspi, Manuel Peralta at isang alias Butor.
Ang mga nasawi ay kabilang sa 20 pasaherong sakay ng jeep na minamaneho ni Butor nang biglang tumaob sa isang malalim na kurbada sa nabanggit na lugar.
Sa nasabing insidente lima pa sa mga sakay ng jeep ang malubhang nasugatan at labindalawa ang himalang walang tinamong galos sa katawan.
Base sa ginawang imbestigasyon ng Tanay police force, ilan pasahero umano ang nakapuna sa mabilis na pagpapatakbo ng jeep ni Butor kung saan hindi umano alintana ang zigzag at malalalim na kurbada ng highway.
Pagsapit sa isang palikong daan dito na umano biglang tumaob ang jeep at mabilis na humampas sa poste na ikinahulog ng mga pasahero.
Agad naman isinugod ang mga sugatan sa Tanay General Hospital. ARMAN CAMBE