3 PATAY SA FAMILY OUTING

MISAMIS ORIENTAL- NAUWI sa trahedya ang ang masaya sana nilang fa­mily outing sa isang beach resort nang malunod ang tatlo katao na kinabibilangan ng isang mag-ina at isa pa nilang kamag-anak sa Barangay Barra, bayan ng Opol sa lalawigang ito kamakalawa.

Batay sa report ng Opol Municipal Police, hindi na naisalba pa ng mga emergency responders ang buhay nina Charlene Delante, anak na si Nica, at ang kaanak na si Ashley Kilnet na isang menor-de-edad matapos malunod sa beach.

Sa pahayag ng mga kasama ng mga biktima sa outing, unang nalunod si Delante at tangka sanang sagipin ni Nica at Ashley na nakumpirmang parehong hindi naman pala marunong lumangoy kaya kapwa nilamon din ng dagat at nalunod.

Hindi naman napansin ng mga kasamahan ng mga biktima ang nangyari sa mga ito, ang alam lang nila na nawawala ang tatlo.

Agad namang humingi ng tulong sa mga rescuer ang mga kasamahan ng mga biktima at agad na natagpuan ang isa sa mga ito na agad na binigyan ng basic first aid, subalit binawian na din ito ng buhay.
EVELYN GARCIA