3 PATAY SA HABAGAT, P5.6-M WINASAK NA PANANIM

HABAGAT

HABANG nagpapatuloy ang malalakas na pag-ulan dulot ng habagat na pinalakas ng tropical storm Henry at Inday ay may isang estudyante ang inulat na nasawi habang umaabot na sa mahigit P5.6 million ang nasirang mga pananim sa ulat ng National Disaster risk Reduction Management Council (NDRMC)..

Ayon sa Cordillera-Regional Disaster Risk Reduction and Management Council, patuloy na nakapagtatala sa Cordillera ng mga insidente ng pagguho ng lupa at pagbaha sa mga low-lying areas dahil sa epekto ng habagat na mas pinapalakas pa ng bagyong Inday.

Kabilang sa naitala ang pagguho ng lupa sa isang kalsada sa Guina-ang, Bontoc, Mt. Pro­vince, na nagresulta na sa pagkamatay ng isang indibidwal at pagkasugat ng isa pa.

Lumalabas sa ulat na sakay ng isang van ang isang biktima mula sa Guina-ang Elementary School nang magkaroon ng landslide at natabunan ang sinasakyan ng mga biktima.

Nakilala ang na­matay na si Luisa Fanged Pelew, habang ang sugatan ay si Frau­line Poloc Magwa na kasalukuyang naka-confine sa ospital.

Nagsasagawa naman ang Department of Health at Department of the Interior and Local Government (DILG)  ng validation sa insidente.

Samantala,  sa inis­yal na ulat ng NDRRMC, nasa P5.6 milyon na ang halaga ng pananim na nawasak nina Henry at Inday na nagpalakas ng habagat sa mga tinamaang bayan sa Occidental Mindoro na siyang hardest hit.

Samantala, mara­ming bayan sa mga lalawigan sa Hilagang Luzon ang nagsuspinde ng klase sa ilang lebel dahil sa hindi magandang kalagayan ng panahon.

Mahigpit ding binabantayan ng dam ope­rating agencies ang Ambuklao Dam, Binga Dam at Magat Dam, dahil malapit na sa critical level ang tubig.

Una na ring sinuspende ang lahat ng hi­king at trekking activities at operasyon ng mga small scale mining sa rehiyon.

Ayon sa PAGASA, asahan pa rin ang malalakas na pag-ulan hanggang sa Sabado dahil sa patuloy na pagiral ng  southwest monsoon na apektado pa ni Inday.

Sa pagtataya ng PAGASA, ang malalakas na pag-ulan dala ng habagat ay mananalasa sa bahagi ng Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Zambales at Bataan, maging sa Metro Manila at na­lalabing bahagi ng Luzon.       VERLIN RUIZ

Comments are closed.