3 PH NAVY WARSHIPS POSIBLENG GAMITIN SA LIBYAN MISSION

PHILIPPINE NAVY

PINAG-AARALAN ng pamunuan ng Philippine Navy (PN) ang posibilidad na isama ang tatlong Gregorio Del Pilar-class frigates (dating US Coast Guard Hamilton cutters) sa inihahandang ‘force package’ para sa ikinakasang Libyan mission para sa pag-rescue sa kinidnap na tatlong OFWs sa Lib­ya noong Hulyo 6, 2018.

“Your Navy now has the capabilities that we can deploy in response to PRRD’s (President Rodrigo Roa Duterte) directive. The force package being firmed up can include our Del Pilar-class frigates all in support to the lead agency handling the situation in Libya,” pahayag ni PN spokesperson Cmdr. Jonathan Zata.

Ang nasabing pahayag ay ginawa ni Zata kaugnay sa posibilidad na isabak ang tatalong malalaking barko de giyera ng Philippine Navy na may long-range capabilities, sakaling magbaba ng go signal ang Pangulo.

Magugunitang iniha­yag ni Duterte na kinokonsidera niya ang pagde-deploy ng PN frigate bilang pagtugon sa pagdukot sa tatlong OFWs  kasama ang isang Korean national.  Nabatid na una nang nagdeploy ng kanilang warship ang Korean government.

Ang Del Pilar class-frigates ng PN ay binubuo ng BRP Gregorio Del Pilar (FF-11), BRP Ramon Alcaraz (FF-16) at  BRP Andres Bonifacio (FF-17).

Ang tatlong Filipino engineers na dinukot kasama ang isang South Korean sa loob ng water project site sa western Libya ay kinilalang sina Roderick Rivera, Antonio Manaba, Romeo Manaba at isang South Korean.

Ayon kay Duterte, hindi siya nagbibiro at talagang magpapadala siya ng frigate sa Libya kung sasaktan ng mga dumukot ang tatlong Filipino. “The Korean has… nagpadala ng barko doon, you know I’m not joking. Magpadala rin ako ‘pag they begin to hurt the Filipinos doon, magpadala ako ng frigate.”

Tiniyak ng Libyan government na buhay ang mga bihag. VERLIN RUIZ

Comments are closed.