SINALUBONG ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega sa Ninoy Aquino International Airport ang tatlong Filipino transgender na nakipag-away sa local transgenders sa Thailand.
Sakay ang mga ito ng Thai Airways flight mula Thailand, kinilala ang mga Pinoy transgender na sina Andre “Carina” Castro, Christian “Sabrina” Castro at John Rich “Erich” Miranda.
Ayon sa report, nangyari ang insidente sa Bangkok, Thailand, matapos magkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng Filipino transgender at ng lokal transgender.
Batay sa report ng local media ng Thailand, nagsimula ang gusot makaraang atakihin ng 20 Filipino transgender ang anim na Thai noble transgenders sa loob ng Soi Sukhumbit 11 restaurant malapit sa Nana BTS station.
Naaresto ng Thai Police ang apat na kasamahan sa 20 Filipino transgender, at agad na dinala ang mga ito sa Lumpini Thai police station.
Ayon sa report ng Thai local news outlet The Nation, dismayado ang dalawang miyembro ng Thai group, dahil pinapayagan ng kanilang pamahalaan ang Pilipino na makalabas kaagad sa Thailand.
Hinihiling ng mga ito na paimbestigahan ang mga Pinoy transgender na naka-check-in sa Soi II, kung mayroon silang mga tamang papeles. FROILAN MORALLOS