IPINAG-UTOS ni Interior Secretary Eduardo Año ang pagsibak sa puwesto ng tatlong opisyal ng PNP-Soccsksargen kaugnay sa kontrobersiyal na P2 billion investment scam.
Sa impormasyong ibinahagi ni Interior Undersecretary Jonathan Malaya marami ang naapektuhan ng Pulis Paluwagan Movement (PPM) na kung saan tinarget nito ang malaking bilang ng mga police officer at maging ang kanilang mga pamilya sa General Santos City at mga kalapit na lugar.
Kinilala ang mga opisyal na sinibak na sina Col. Manuel Lukban, Col. Raul Supiter, at Lt. Col. Henry Viñas para mabigyang daan ang isinasagawang pagsisiyasat ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Matapos na lumikha ng kontrobersiya ang nasabing paluwagan scheme ay sinimulan na ng CIDG at National Bureau of Inves-tigation ang pagsisiyasat.
Ani Malaya, sinasabing may 30 pulis at sibilyan ang umanoy nasa likod ng eskimang 60-percent interest rate kada 15-araw kaya marami ang naeenganyong sumapi sa modus ng sindikato.
Ang sistema ng paluwagan scam ay kukumbinsihin ang mga pulis na mag-invest sa paluwagan at sa loob ng 15 araw ay tutubo ito ng 60 porsiyento at 129 porsiyento naman sa isang buwan.
“In a span of few months, the PNP personnel involved in this scam acquired multiple assets and they have issued checks that cannot be encashed due to the insufficiency of funds in the bank accounts of PPM,” diin ni Malaya.
Nabatid na marami ng nabiktima sa nasabing scam dahil sa kaakit-akit na laki ng interest na ipinapangako na nakapanlinlang ng prosecutors, judges, negosyante at mga sibilyan.
Sinasabing dismayado ang ilang pulis sa GenSan matapos nilang matuklasan na mismong kabaro umano nila ang nasa likod ng PPM scam na pinatatakbo mismo sa loob ng Camp Fermin Lira sa General Santos City Police Office (GSCPO). VERLIN RUIZ