3 PRINSIPYO NA MAY KINALAMAN SA PAGIGING MATAGUMPAY NG ISANG TAO

homer nievera

MARAMI na tayong nababasa sa Internet ukol sa mga kasana­yan at iba pang tips upang maging matagumpay sa buhay at sa pagnenego-syo. Marami na rin akong personal na nasubukan at sinunod sa mga samu’t saring payo.  Pumili muna ako ng tatlong prinsipyo na akin mismong naranasan at pinag-aralan na ibabahagi ko sa inyo.

Sana kahit paano ay may matutunan kayo sa bahaging ito ng aking pitak. Tara!

#1 Outliers

Ang isang ‘outlier’ ay isang tao na ‘di nasasakop ng normal na katayuan o kasanayan na nararanasan o pinagdaraanan ng isang tao.

Isang batikang manu­nulat at bisyonaryo si Malcolm Gladwell. Isa sa mga naisulat niya ay ang librong “Outliers” kung saan inilalarawan niya ang pinanggagalingan ng mga matagumpay at maya­yamang mala-henyo na tao at ang paulit-ulit na paggawa ng mahigit 10,000 na oras sa isang bagay o kasanayan.

Ang mga piloto na nagsasanay magpalipad ng eroplano ay kadalasang nangangailangan ng 10,000 oras sa pagpapalipad bago mabigyan ng lisensi-yang pang-ko­mersiyal.

Ayon kay Gladwell, kailangan ng 10,000 oras na pagpraktis ang isang tao bago maging tunay na dalubhasa sa gawaing napili. Ito rin daw ang dahi-lan kung bakit mas may kakayahang magtagumpay ang isang tao.

Ang bandang Beatles ay tumugtog sa bayan ng Hamburg sa Germany mula 1960 hanggang 1964. Ang mahigit 10,000 oras na pagtugtog ay na-katulong nang malaki sa paghasa sa kanila sa kanilang napiling propes­yon. Naging matagumpay sila sa pagiging banda na hanggang ngayon ay kanila pa ring natatamasa at ng kanilang pamilya ang bunga nito.

Ang ina ni Bill Gates ay dating kasama sa board of directors ng IBM. Ang taon noon ay 1968 at kakaunti lamang ang mga taong may access sa mga kompyuter noon. Ang pagkakataong iyon ay ‘di pinalampas ni Gates at mahigit 10,000 oras ang iginugol niya sa programming. Alam na natin marahil ang naging  resulta nitong kasanayan na ito.

Kaya anuman ang ka­tayuan mo sa buhay, ‘di mo masasabing puwede kang magtagumpay kung ‘di mo naman ito pagtatrabahuhan. Ang kahala-gahan ng sipag at tiyaga ay ninume­ruhan ni Gladwell sa kanyang libro – 10,000 oras ang kailangang gugulin sa isang bagay o kasanayan.

Aral-aralin din ‘pag may time? Hindi. Gugulan ito ng 10,000 oras!

#2 SMART. Goals (o Layunin)

Ang pagkakaroon ng mga mithiin, hangarin o goals sa buhay ay kulang kung hindi mo iaayon sa tinatawag na SMART. goals. Ang bawat letra ng SMART ay may ibig sabihin o pinatutungkulan kung ikaw ay gagawa ng goals.

Unang-una, ‘di ka naman uusad sa buhay kung ‘di mo alam kung saan ka tutungo. Kung ‘di mo alam ang gusto mo sa buhay, paano mo ito maka-kamit?

Ang pagkakaroon ng SMART goals ay isa lamang giya kung paano ka gagawa ng goals mo. Narito ang pinatutungkulan nito.

Ang pagkakaroon ng SPECIFIC GOALS ay nangangahulugang dapat tiyak ang layunin mo. Halimbawa, nais mong yumaman. Pero ‘di mo naman sinasabi kung gaano kayaman ang nais mo, ‘di ‘yan tiyak. Isa pa, kung nagdarasal ka at humiling ka ng sasakyan, at binigyan ka ni Lord ng tricycle kaysa isang van, baka malungkot ka. Gets mo? Tumbukin mo ang nais mo o layunin.

Ang ‘M’ ay ‘Measurable’ o nasusukat. Ang bawat layunin mo ay dapat kaya mong sukatin at ‘di lamang basta-basta. Kung nais mong yumaman, sabihin mo, nais mong maging bilyonaryo. Dahil malamang, ‘yan ang sukatan mo ng pagiging mayaman.

Noong 2010, naglatag ako ng aking Dream Board kung saan isinaad ko na nais kong magkaroon ng  limang milyong piso sa bangko, kasukatan ng pagiging tagumpay ko sa negosyo. Nang makamit ko ito loob ng tatlong taon, nanghinayang ako. Dapat pala, nilakihan ko na!

Ang kasunod na letra na ‘A’ ay nangangahulugang ‘Attainable.’ Mahirap nga namang magkaroon ng layuning aakyat ka sa buwan eh alam mo na-mang  ilan lang ang astronaut na napipili para rito.  At ‘di ka man lang sieyntipiko! ‘Di ko sinabing imposible, ang sinasabi ko lang ay achievable o kayang makamit – sa isang itinakdang panahon.

Ang ‘R’ kasi ay ang ‘Relevant’ o may kaugna­yan sa napili mong negosyo o kasanayan mo. Gaya nga ng pagiging astronaut at ikaw ay walang ki-nalaman sa siyensiya, malabo nga itong layunin mong ito.

Ang ‘ T’ naman ay ang ‘Time-bound’ o ‘yung may itinakdang oras o panahon. Lahat kasi ng goals o layunin ay dapat alam mo kung kailan  mo dapat ito makamit.

Kung susumahin natin ang SMART Goals sa isang halimbawang layunin, naisin mong magkaroon ng 10 milyong piso sa bangko sa loob ng 10  ta-on bilang isang negosyante. Smart, ‘di ba?

#3 Dream Board

Nabanggit ko na ako ay naghulma ng aking Dream Board noong 2010. Ano nga ba ito?

Ang Dream Board o Vision Board ay isang koleksiyon  ng mga bagay na nais mong makamit o mapagtagumpayan. Maa­aring nakapaloob dito ang mga quote o salitang magbibigay motibasyon na makamit mo ang mga bagay-bagay sa buhay. Ang konspetong ay tila literal kung saan gagawa ka ng poster ng mga mithiin o layunin mo sa buhay. Siyempre, dapat SMART din ito.

Sa nabanggit kong Dream Board ko na ginawa ko, 10 taon ang nakararaan? ay iisa na lang ang ‘di ko pa nakakamit. Iyon ay ang pagkakaroon ng sariling yate.

Ang konsepto ng dream board ay sadyang paraan ng biswal na paalala sa iyo sa araw-araw kung ano nga ba ang  pangarap mo sa buhay. Ang repre-sentasyon ng mga litrato o mga quote na nandito ay nagbibigay linaw sa mga layuning dapat tuparin. Kasama na itong mga ito sa iyong pagdarasal at pati ang mga taong nakakasalamuha mo ay nagiging daan patu­ngo sa katuparan ng mga ito.

Konklusyon

Tatlo lamang ito sa mga prinsipyong sinusunod ko sa aking buhay at pagnenegosyo. Ang mahalaga ay lagi kang magdasal at magtiwala sa Diyos na Siyang may tunay na hawak ng magagandang plano para sa iyong buhay. Sipag at tiyaga at ang maayos na relasyon sa kapwa ay pa­ngalagaan lagi – anuman ang marating mo sa buhay.

o0o

Si Homer ay isang technopreneur at makokontak sa email niyang [email protected].

Comments are closed.