QUEZON- DEAD on arrival sa ospital ang tatlong university professors matapos masagasaan ng isang cargo jeep sa Maharlika highway, Barangay Lagalag, Tiaong sa lalawigang ito, Miyerkules ng gabi.
Base sa inisyal na report ng Tiaong police station, ang mga biktima ay nakilalang sina Cheryl Baracael Bundalian, 27-anyos, residente ng Dolores, Quezon; Rosie Campus Dulay ,62-anyos ng Sampaloc , Quezon at Salvo Ocampo Salvacion, 30-anyos, residente ng Adelina Subdivision, Barangay Lagalag .
Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:30 ng gabi, habang tumatawid ang tatlong biktima sa pedestrian lane na nasa tapat ng satellite campus ng Southern Luzon State University ay isang rumaragasang jeep ang biglang dumating at nasagasaan ang mga ito.
Nasa kustodiya na ng Tiaong police station ang suspek na nakilalang si Zaldy Mosquera, 63-anyos ng San Pablo City, Laguna.
Si Bundalian ay mabilis na naisugod sa Peter Paul Medical Hospital sa Candelaria, Quezon kung saan idineklarang dead on arrival. Si Dulay ay dinala naman sa Candelaria United Doctor’s Hospital na nalagutan ng hininga habang nilalapatan ng lunas at dead on arrival naman si Salvacion.
Ayon sa mga opisyal ng SLSU, kagagaling umano ng mga biktima sa isang faculty meeting at pauwi na nang maganap ang insidente.
Lumalabas sa masusing imbestigasyon ng mga pulis na may kalakasan ang ulan at may kadiliman sa lugar na pinangyarihan ng insidente.
Nahaharap si Mosquera sa paglabag sa R.A. 10586 o ang Anti- Drunk and Drugged Act of 2013. Kakaharapin din nito ang mga kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide at serious physical injuries.
BONG RIVERA