NAKITAAN ng Department of Justice (DOJ) ng probable cause ang reklamong inihain ng Philippine Sports Commission (PSC) at ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa mga dating empleyado ng sports agency na sangkot sa payroll padding scheme.
Sa 23-page resolution na nilagdaan nina Assistant State Prosecutor Moises Acayan, Sr. Deputy State Prosecutor Richard Fadullon at Prosecutor General Benedicto Malcontento, inirekomenda ang pagsasampa ng ilang bilang ng qualified theft, attempted qualified theft, cyber-related forgery at computer-related fraud laban kina Paul Ignacio, Michaelle Jones Velarde at Lymuel Seguilla.
Masigasig na sinubaybayan ni PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez ang kaso at makaraang matuklasan ang katiwalian ay agad niyang iniutos ang pagbalasa sa sports agency.
“It is a regrettable incident but it compelled us to fast-track upgrades and consider a second-look at existing processes,” paliwanag niya.
Bukod sa NBI ay humingi rin ng tulong ang PSC sa Office of the Solicitor General at sa Anti-Money Laundering Council para masiguro na maibabalik ang pondo sa pamahalaan.
Tulad ng inirekomenda sa DOJ resolution, ang mga kaso ay isasampa sa Regional Trial Court ng Imus, Cavite.
Noong nakaraang taon ay natuklasan ang paglilipat ni Ignacio ng mga pondo sa kanyang sariling bank account. Siya dati ang gumagawa ng payroll para sa ahensiya. Sa imbestigayon ay lumabas na may dalawa pang empleyado na kasabwat si Ignacio. CLYDE MARIANO
Comments are closed.