NAKATAKDANG ipatapon ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong puganteng Chinese na wanted sa kanilang lugar dahil sa mga kasong kinasasangkutan ng mga ito na economic crimes at large-scale fraud.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, naaresto ang tatlong fugitives sa Parañaque at Pasay City ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) sa bisa ng isang mission order na inisyu nito at sa pakiusap ng Chinese government upang kaharapin ng mga ito ang kanilang mga kasong pandarambong at panloloko sa kapwang Chinese.
Ang mga suspek ay kinilalang sina Xu Xiaojun, 34, na nahuli nitong Nobyembre 20 sa loob ng isang restaurant sa kahabaan ng Airport Road, Baclaran, Parañaque.
Ayon sa impormasyon na ipinarating ng Chinese government sa BI, si Xu ay wanted sa China dahil sa bank credit card fraud kung saan nakakulimbat ang mga ito ng aabot sa one million Yuan.
Ang mga puganteng sina Chen Yao Lin, 26 anyos, at Lv Mingwei, 33 anyos ay naaresto ng BI-FSU nitong Nobyembre 29 sa may Newport Blvd. sa Pasay City.
Nabatid ng BI mula sa Chinese government, ang dalawa ay sangkot sa internet fraud na umabot sa $2 million na nakolekta mula sa kanilang mga biktima.
Ang mga pugante ay may nakabinbing warrant of arrest na inisyu ng Municipal Public Security ng Wuxi City, Jiangsu sa China.
Ipinakansela na rin ang kanilang mga pasaporte ng Chinese government kaya’t kinokonsidera na mga illegal alien ang mga ito.
Ipinag-utos ni Morente sa kanyang mga tauhahan na ipa-blacklist ang tatlo upang hindi na muli makapasok sa bansa. FROI MORALLOS
Comments are closed.