3 PULIS, 1 PA TIMBOG SA P1.4-M SHABU

CAVITE – REHAS na bakal ang binagsakan ng 3 pulis at isang sibilyan nang makumpiskahan ng P1.431 milyong halaga ng shabu sa inilatag na anti-illegal drug operation ng mga operatiba ng RPEU 4A, PDEU CAVPPO, Dasmarinas CPS, RIU4A, PDEG-SOU4 at PDEA4A sa Brgy. Salitran 2, Dasmarinas City nitong Miyerkules ng umaga.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165, ang mga suspek na sina Cpl. Christian Arjul Dayrit Monteverde; SSg. Tomas Celleza Dela Rea Jr.; Pat. Jeru Magsalin Set, at sibilyang si Jorilyn Magnaye Ambrad, pawang nasa talaan bilang high-value individual.

Nabatid na sina Monteverde, Dela Rea ay kapwa nakatalaga sa Dasmariñas City Police Station habang si Set naman ay naka-assign sa Special Drug Enforcement Unit sa Dasmariñas CPS.

Sa inisyal na police report mula sa Camp Pantaleon Garcia, nakumpiska sa mga suspek ang 210 gramo ng shabu na may street value na P1, 431, 600.00; 10 cellphones; PNP identifications cards, cal.45 pistol, cal.9mm pistol, magazines na may mga bala, ibat ibang ATM cards at isang Toyota Altis gray na may plakang ABL 6249.

Batay sa ulat, unang naaresto sina Monteverde at Dela Rea Jr. habang si Set naman ay nasakote sa follow-up operation na lulan ng nasabing kotse sa Brgy. Sta. Cruz, Dasmariñas City.

Isinailalim na sa tactical interrogation ang tatlong pulis na dinisarmahan at sinibak sa tungkulin bago dinala sa detention facility sa regional police headquarter sa Calamba City, Laguna at posibleng walang makuhang benepisyo.

Samantala, kasalukuyang nagsasagawa na rin ng search warrant operation ang mga awtoridad sa bahay ng 3 pulis kaugnay sa drug trade na kanilang kinasasangkutan. MHAR BASCO