CENTRAL LUZON- TATLONG pulis ang inaresto ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) dahil sa iba’t ibang kaso.
Sa loob ng 24 oras ay nasilbihan ang mga ito ng warrant of arrest.
Ayon kay IMEG Director Brig. General Warren de Leon, inaaresto si Patrolman Micheal Angelo Basa sa Cabanatuan City, Nueva Ecija dahil sa kasong Grave Threat sa ilalim ng Article 282 ng Revised Penal Code.
Sa hiwalay na operasyon, nahuli naman sa paglabag sa R.A. 9262 o Violence against Women and Children Act si Master Sgt. Joey Cauilan sa Tuguegarao City, Cagayan matapos na ireklamo ng kanyang asawa.
Habang inaresto naman sa Quezon, Isabela, ang dating Corporal na si Marvin Jay Allan Pagulayan, dahil sa kasong Estafa.
Nakaditene na ang mga suspek sa mga istasyon na nakahuli sa kanila.
Tiniyak naman ni De Leon na tuloy-tuloy ang IMEG sa paglilinis ng pulisya sa mga tiwali nitong miyembro lalo na at nakakasira sila sa imahe ng pambansang pulisya.
EUNICE CELARIO