3 PULIS KINASUHAN NG ROBBERY

CAVITE- NANGANGANIB na matanggal sa serbisyo ang tatlong pulis na sangkot sa pagnanakaw matapos na pasukin ang bahay ng isang Indonesian sa Kawit sa lalawigang ito.

Sa ginanap na press conference kahapon na pinangunahan nina Regional Director BGen Paul Kenneth T Lucas, Cavite Provincial Director Col Eleuterio Ricardo Jr at Kawit Police Chief Lt Richard Corpuz, pinangalanan na ang 3 pulis na sangkot sa naganap na insidente na nakilalang sina Sr Master Sergeant Jhon Paolo Maigue Mellona, naka-assign sa Cavite Provincial Intelligence and Detective Management Unit, umanoy may-ari ng van na ginamit sa insidente; Senior Master Sergeant Reynaldo Andrada Quilit Jr, naka-assigned sa Provincial Intelligence Unit, Cavite PPO at Corporal Lynard Pastrana Pareja , naka-assigned sa Provincial Drug Enforcement Unit ng Laguna PPO.

Habang pansamantalang hindi muna pinangalan ang 4 na sibilyan na kasama ng mga ito.

Sa naunang ulat, milyong piso ang umano’y natangay ng mga ito sa biktima, subalit itinatanggi ito ng mga nasabing suspek.

Sinampahan na ng kasong Robbery in Band ang mga suspek at ni-relieve na rin ang mga ito sa kani-kanilang pwesto at kasalukuyan nasa Regional Headquarters Holding Area Section (RPHAS) at naka-restrict custody.

Inatasan din ni RD ang Regional Investigation and Detective Management Division na isailalim sa Parallel Administrative Investigation ang mga ito.

Hanggang sa kasalukuyan ay itinatanggi pa din ng mga suspek ang kasong pagnanakaw at wala silang kinalaman sa insidente.

Matatandaan na naganap ang insidente nitong Pebrero 13 ganap na alas-5 ng hapon nang pasukin ng hindi bababa sa 10 armadong kalalakihan ang bahay ng biktimang si Fendy Apriyanto, nasa hustong gulang, Pogo Supervisor at residente ng Grand Centennial Home, Brgy Magdalo Putol Kawit Cavite.

Iginapos ng mga suspek ang biktima, security guard, mga staff, katulong at bodyguard na nasa loob ng bahay at sinimulang limasin ng mga ito ang alahas at pera ng mga biktima.

Sa pag-iimbestiga ng pulisya, nakuha ang impormasyon ng mga suspek na kung saan 3 sa mga ito ay pawang mga pulis. SID SAMANIEGO