CAVITE- NAKAKULONG na ang tatlong dinismis na pulis sa bisa ng warrant of arrest makaraang masangkot sa nakawan sa bahay ng isang Indonesian National sa Kawit.
Pawang nahaharap sa kasong Robbery Committed by a band under Art. 295 of RPC (6 Counts), criminal case no. 29056-24 to 29061-2 ang mga suspek na kinilalang sina Lynard Pastrana Pareja , 32- anyos, dismissed police officer, residente ng Dalahican, Cavite City; John Paolo Maigue Mellona, 39-anyos, dismissed police officer residente ng Brgy. Marulas, Kawit at Reynaldo Andrada Quilit, 46-anyos, dismissed police officer, residente ng Lavaña Subd. Bacao 2, Gen. Trias City, Cavite.
Batay sa report ng pulisya, bitbit ang warrant of arrest na inisyu ni Hon. Emmanuel S Ocsing, Presiding Judge, RTC of Branch 120, Imus City, Cavite at sa direktiba na rin ni Regional Director BGen Paul Kenneth Lucas, pinuntahan ng pinagsanib na puwersa ng Regional Intelligence Division (RID) 4A – RIT Cavite, Laguna at RSOU 4A, RIDMD 4A, 403rd RMFB 4A at Kawit police ang 3 kabaro sa Brgy. Mayapa, Calamba City, Laguna kung saan pansamantalang nakatigil ang mga akusado matapos na madismis sa kanilang serbisyo.
Magugunitang si Mellona ay dating Senior Master Sergeant na naka-assigned sa Cavite Provincial Intelligence and Detective Management Unit bilang imbestigador, si Quilit Jr. naman na dating may ranggong SMS ay dating naka-assign sa Provincial Intelligence Unit sa Cavite habang si Pareja na may dating ranggong Cpl ay dating naka-assign naman sa Drug Enforcement Unit sa Laguna.
Sa kasalukuyan ay nakapiit na ang mga suspek sa Kawit Police.
SID SAMANIEGO