3 PUMATAY SA VICE MAYOR KINASUHAN

LAGUNA- KINASUHAN ng murder sa City Prosecutors office ng San Pablo City ang tatlong bodyguard na pumatay sa dati nilang among Vice Mayor na inambush nitong nakaraang isang buwan sa lalawigang ito.

Inihayag ni Lt.Col. Joeimi Lucas, San Pablo police chief, makaraang kilalanin ng mga kaanak ang tatlong suspek na nakunan ng video footage ng CCTV na naka- install malapit sa lugar ang naganap na krimen.

Kinilala ng pulisya ang mga nanambang na sina Rolando Dimaano, 44-anyos, alyas Onad ng San Mateo, Dolores; Orlando Ragudo, 43-anyos, alyas Daks ng Tayabas, Quezon at William Panganiban, 51-anyos ng Cabatang, Dolores na nagsilbing driver ng motorsiklo kung saan umangkas ang dalawa.

Matatandaan na inambus noong nakaraang buwan ang dating Vice Mayor ng Dolores , Quezon na si Danilo Amat sa 7th Street, Barangay San Francisco , San Pablo City.

Ang tatlong suspek, ayon pa kay Lucas ay positibong kinilala ng anim na nakasaksi sa krimen.
Ang mga naturang witness ay nagbigay ng salaysay na magdidiin sa tatlo na siyang may kagagawan sa pamamaril

Pulitika at personal na alitan ang umano’y pinag- ugatan ng pamamaslang.

Idinagdag pa ni Lucas na may person of interest na sila kung sino ang utak sa likod ng pagpatay kay Amat bagaman nangangalap pa sila ng mga karagdagang ebidensiya na magdidiin sa mastermind ng nangyaring pagpatay. ARMAN CAMBE