APRUBADO ng Sangguniang Panglungsod ng Parañaque ang tatlong resolusyon para sa tax relief measures na magpapagaan sa pagbabayad ng kanilang mga buwis habang nasa enhanced community quarantine ang buong lungsod dahil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Inatasan ni Mayor Edwin Olivarez ang hepe ng Business Permit and Licensing Office (BPLO) na si Atty. Lanie Malaya na mag-isyu na ito at kaagad na ipatupad ang implementasyon ng isang memorandum na magbibigay ng tax relief sa mga negosyante sa pamamagitan ng pag-e-extend ng deadline sa pagbabayad ng business taxes para sa ikalawang quarter ng taon simula Abril 20 hanggang Hulyo 20 na walang karagda-gang penalty o surcharge.
Base sa memorandum ni Malaya, ang deadline ng pagbabayad para sa mga lokal na business taxes para sa ikalawang quarter ay na-extend ng mula Abril 20 hanggang Hulyo 20 na kasabay na babayaran ang ikatlong quarter na hindi magdaragdag ng penalty at interest.
Ipinaliwanag ni Malaya na base sa naturang resolusyon, ang surcharges, penalties at interest ay maipatutupad ang pagbabayad matapos ang nabanggit na petsa.
Sa ikalawang inaprubahang resolusyon ng City Council, sinabi ni Malaya na nakapaloob dito ang pagpapasunod ng lahat ng mga employer ng bawat negosyo sa lungsod sa guidelines ng Department of Labor and Employment (DOLE) upang maging kapaki-pakinabang ang pinansiyal na suporta at iba pang benepisyo na matatanggap ng bawat empleyado lalong-lalo na sa sitwasyon ngayon kung saan dumaraan ang bansa sa krisis dulot ng COVID-19.
Ang direktibang inilabas ni Malaya ay kanyang ibinase sa resolusyon na inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod na nagsasabing ang lahat ng negosyo sa lungsod ay nararapat na sumunod sa mga panuntunan ng DOLE Department Order No. 209 Series of 2020 kabilang ang pagtanggap ng pinansiyal na suporta at iba pang benepisyo ng mga empleyado na napapailalim sa COVID-19 adjustment measures program habang nasa enhanced community quarantine ang buong Luzon dahil sa idinulot na krisis ng nakamamatay na virus.
Nakasaad din sa naturang resolusyon ang moratorium sa pagbabayad ng rental fees, probisyon sa pagbibigay ng palugit para mabayaran ang accrued rent, at waiver ng mga interest o penalty kung sakali lamang na maantala ang pagbabayad ng mga inuupahan. MARIVIC FERNANDEZ