3 RIDERS TODAS SA SALPOK NG BUS

CAMARINES SUR- DEAD on arrival sa pagamutan ang tatlong kalalakihan matapos na salpukin ang sinasakyang motorsiklo ng isang pampasaherong bus mula sa kabilang lane ng national highway sakop ng Pili sa lalawigang ito.

Sa ulat ng Camarines Sur Police Provincial Office, kinilala ang driver ng motorsiklo na si Ricky Dacillo, 35-anyos, residente ng P-2, Kanluran, San Vicente, Camarines Norte base sa nakuhang identification habang kinikilala pa ang dalawang backrider nito.

Sa inisyal na pagsisiyasat ng Pili Municipal Police Station Traffic Investigator, tinatahak ng mga biktima ang kahabaan ng national road sakop ng nasabing bayan patungo sa lungsod ng Naga nang mabangga ito ng nag-overtake na bus na minamaneho ni Raffy Malaran, 30-anyos, residente ng Zone 5, Palapas, Ligao City mula naman sa kabilang direksyon.

Sa lakas ng impact, tumilapon ang mga sakay ng motorsiklo kaya nagtamo ng mga sugat at bali sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na nagawa pang itakbo sa pagamutan ngunit pawang ideklarang patay na nang idating.
Nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa nasabing insidente. VERLIN RUIZ