3 RUTA NG PROV’L BUS BUBUKSAN, 40 UNITS BALIK-BIYAHE

PROVINCIAL BUS

TATLONG ruta para sa 40 provincial public utility bus (PUB) patungong Mindanao ang  bubuksan ngayong araw, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Batay sa Memorandum Circular (MC) 2020-051-I na ipinalabas ng LTFRB nitong Disyembre 24, kabilang sa mga ruta na magbubukas ay ang Cagayan de Oro City-Tacurong, Sultan Kudarat; Davao City-Arakan, North Cotabato at Davao City-Kidapawan City.

Ayon sa LTFRB, maaaring bumiyahe ang mga roadworthy PUV na may valid at existing Certificate of Public Convenience (CPC) o Application for Extension of Validity.

Kinakailangan ding nakarehistro sa Personal Passenger Insurance Policy ang bawat unit sa mga rutang nakapaloob sa MC.

Bilang kapalit naman ng Special Permit (SP) ay may QR CODE na ibibigay sa bawat operator na dapat ilagay sa short bond paper at ipaskil sa PUV. Maaaaring i-download ang QR Code mula sa official website ng LTFRB  na https://ltfrb.gov.ph/.

Bukod sa QR Code, kailangan ding sumunod ang mga pick up at drop off terminals ng naturang mga bus sa health at safety protocols bago payagang mag-operate ng local government units.

Muli ring ipinaaalalang ahensiya na walang ipatutupad na taas-pasahe maliban na lang kung ipag-uutos nila ito.

Mahigpit din ang paalala ng LTFRB na kinakailangang sumunod ang mga PUV sa mga alituntunin ng IATF at ng local government units kaugnay ng health protocols bago sila makabiyahe.

Dagdag pa rito, istriktong ipatutupad ang “7 Commandments” sa lahat ng pampublikong transportasyon, na batay sa rekomendasyon ng mga health expert.

Kabilang dito ang palagiang pagsusuot ng face mask at face shield; bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; bawal kumain sa loob ng sasakyan; pagpapanatili sa maayos at sapat na ventilation sa mga PUV; palagiang pagsasagawa ng disinfection; bawal sumakay ang mga pasaherong may sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at laging sundin ang panuntunan sa physical distancing (one-seat apart rule).

Ang sinumang lalabag sa mga probisyon ng MC ay papatawan ng kaukulang parusa, tulad ng pagmumulta at pagkansela sa kanilang CPC o PA.  EVELYN GARCIA

Comments are closed.