TUMAAS ng 18 punto o 3 sa bawat limang Pinoy ang nagsasabing mas malaya ang magpahayag ng saloobin sa ilalim ng Duterte administration.
Base sa pag-aaral ng Social Wather Station (SWS) nitong huling quarter ng 2019, 59 porsiyento ng mga Filipino ang sang-ayon na malayang magsabi ng kanilang naisin kahit pa kontra sa gobyerno.
Lumalabas sa survey na tatlo sa bawat limang Filipino ang sang-ayon sa statement na : “I can say anything I want, openly and without fear, even if it is against the administration.”
Habang 18 porsiyento naman ang hindi sang-ayon at 23 bahagdan naman ang undecided o hindi tumugon.
Base sa ginawang pag-aaral ng SWS, nag resulta ito ng net agreement score na +41, na maituturing na “very strong”.
Mas mataas ng 18 puntos sa +23 net agreement score, o moderate na naitala noong December 2018.
Subalit lumilitaw din na 51 percent ng mga Pinoy ang natatakot na peligrosong maglathala o magpahayag ng anumang kritikal laban sa Duterte administration habang 29 percent ang walang tugon at 20 porsiyento ang sumasalungat.
Lumalabas din na 67 percent ang sang-ayon na may kalayaan ng pamamahayag (freedom of the press) ang Philippine media habang 10 bahagdan naman ang hindi sang-ayon at 23 percent ang undecided.
Sa likod ito ng pahayag ng Media watchdog na Center for Media Freedom and Responsibility (CMFR) noong 2018 na patuloy na nakararanas ang mga Filipino journalists ng online harassment,karahasan at pagbabanta. VERLIN RUIZ