3 SANGKOT SA DROGA ARESTADO

droga

NAVOTAS CITY – TATLONG hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang arestado sa ikinasang buy bust operation ng mga pulis kahapon ng madaling araw.

Ang mga naarestong suspek ay kinilalang sina Jasper Pascual, 27; Leo­nard Basa, 45, kapwa ng Brgy. Tangos South at Marvin Bautista, 31, ng Brgy. San Roque.

Ayon kay Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas, alas-2:30 ng madaling araw nang isagawa ng mga ope­ratiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Eric Roxas ang buy bust operation kontra kay Jasper Pascual, 27, malapit sa kanyang bahay sa A. Cruz St., Brgy, Ta­ngos South sa koordinasyon sa PDEA.

Nagawang makaiskor ng isang sachet ng shabu kay Pascual ni Pat. Bryan Greg Calixto na nagpanggap na buyer kapalit ng P300 marked money.

Nang magbigay ng signal ang pulis na nagkaabutan na agad sumalakay ang nakaantabay na mga operatiba at dinamba si Pascual, kasama ang dalawa pa na sina Basa at Bautista kung saan ay sinasabing umiskor din ng droga sa suspek na si Pascual.

Ayon kay SDEU investigator PCpl Jaycito Ferrer, nakumpiska kay Pascual ang buy bust money at isa pang sachet ng shabu habang nakuha naman kina Basa at Bautista ang tig-isang plastic sachet ng hinihinalang shabu. EVELYN GARCIA

0

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *