3 SCHOOLS, MUNICIPAL HALL BINULABOG NG BOMB THREAT

LAGUNA- BINULABOG ng bomb threat ang Pamahalaang Bayan ng Paete at tatlong public elementary schools makaraang makatanggap ng isang text message ang tanggapan ng DepEd-Paete district na may sasabog na bomba sa mga nasabing lugar sa ganap na alas- 2 ng hapon nitong Miyerkules ng umaga sa lalawigang ito.

Sa pahayag ni Col. Gauvin Yamashita Unos, Laguna police director, tinukoy ng txt message ang mga eskwelahan ng Quinale elementary school maging ang mga Papatahan at Ibaba elementary schools na umano’y tinaniman ng bomba.

Isinama sa nasabing bomb threat ang municipal hall na nasa sentro ng kabayanan at commercial district.

Agad naman inabisuhan ng mga pulis ang mga opisyal ng eskwelahan at tanggapan ni Mayor Cosico na palabasin ang lahat ang mga bata at kawani para sa mabilisang inspection at masiguro na walang masasaktan sakaling totoo ang banta.

Makalipas ang isang oras, siniguro ng mga miyembro ng Laguna PNP bomb disposal unit na walang nakitang anumang uri ng bomba sa mga nabanggit na lugar.

Lumalabas na isang pananakot ang mensahe na idinaan sa text messages.

Ayon kay Unos, mahigpit nitong paiimbestigahan ang naturang bomb threat para matukoy kung sino ang nasa likod nito. ARMAN CAMBE