3 SCHOOLS SA CEBU NASA TOP 10 SA NURSES EXAM

Nangunguna ang tatlong Cebu-based schools sa listahan ng Top 10 performing schools sa November 2024 Philippine Nurses Licensure Examination.

Nakakuha  ng 100% passing rate ang Cebu Doctors University, Velez College, at Cebu Normal University.

Samantala, siyam na Cebuano naman na nagtapos sa Cebu Normal University ang pasok sa Top 10 ng naturang licensure exam na itinuturing namang isang makasaysayang milestone ng unibersidad.

Nabatid na matapos ang 13 taon ay nakapag-produce ito ng topnotcher bukod sa pagiging consistent ng CNU College of Nursing and Allied Health Sciences (CNAHS) sa 100% passing percentage nito para sa PNLE.

Topnotcher si Chariemae Cañazares na tubong Balamban, Cebu matapos makakuha ito ng pinakamataas na rating na 92.60%.

Ibinunyag pa ni Cañazares na agad nitong binalitaan ang kanyang mga magulang matapos malaman ang resulta at nangunguna ito.

Ibinahagi pa ng dalaga na dahil  sa kanyang pagsisikap at pag-manifest ay nakuha nito ang tagumpay na kanyang minimithi.

Bukod kay Cañazares, rank 4 naman si Marc Emmanuel Estillore na nakakuha ng 91.80%; rank 5 si Jaymi Loise Abellana na may 91.60% rating; Liza May Salas na nag rank 6 sa 91.40% rating; Laarni Jane Durango sa rank 7 na may 91.20% rating.

Parehong rank 8 naman sina Mae Jyn Rosalita at Mary Angelique Jore Tabasa na may 91%; rank 9 si Roy Justin Erandio na may rating na 90.80% at rank 10 si Jeremiah Paul Ureta na may 90.60% rating.

Samantala, rank 10 din sina Adrianne Lauren Ozaraga at Kert Bea Rom na nagtapos sa Velez College matapos nakakuha ng 90.60%.

Hindi naman nagpapahuli si Roxxane Virgie Libron, ang nag-iisang nakapasok sa Top 10 na nagtapos sa Cebu Doctors University matapos mag- rank 9 sa 90.80% rating.