HANDANG-HANDA na ang Navotas Local Government Unit (LGU) sa paggunita ng Semana Santa na kung saan tiniyak na ligtas ang mga magpupunta sa mga simbahan at parokya para sa mapayapang pag-aayuno.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, ang Navotas ay tahanan ng maraming parish at kapilya at iba pang lugar ng pagsamba. Kabilang dito ang Diocesan Shrine at Parish of San Jose de Navotas, ang pinakamatandang simbahan sa lungsod, at Santo Niño de Pasion de Navotas, kung saan nakalagay ang mga piraso ng krus ni Hesus at iba pang relics na may kaugnayan sa kanyang buhay na parehong idineklara ng pamahalaang lungsod bilang religious tourism sites.
Naisaayos na ang seguridad at pamamahala sa trapiko, partikular na malapit sa mga simbahan at kapilya na sentro ng mga aktibidad sa relihiyon.
“We expect an influx of churchgoers and the faithful on Maundy Thursday and Good Friday, especially in Brgy. Bangkulasi where the Bahay ng Mahal na Señor is located. Tourists also flock the area to witness devotees practice penitensya,” anang alkalde.
“Semana Santa is a time for spiritual reflection and renewal for many Filipinos. We want them to do their pilgrimage and devout undertakings without worries,” dagdag nito.
Nasa 220 na mga pulis ang ipapakalat sa Abril 2, Linggo ng Palaspas, hanggang Abril 9, Linggo ng Pagkabuhay, upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Upang maiwasan ang pagsisikip ng trapiko at disgrasya sa kalsada, ang M. Naval Street at North Bay Boulevard, mula C4 Road hanggang Lapu-Lapu Avenue, ay isasara sa Abril 6, Huwebes, 6 p.m. hanggang Abril 7, Biyernes, 7 p.m habang maaari namang gamitin ng mga motorista ang R-10 bilang alternatibong ruta. VICK TANES/ EVELYN GARCIA