3 SIMPLENG BAGAY PARA MAGTAGUMPAY SA NEGOSYO

homer nievera

MALIGA­YANG Pasko po ng Pagkabuhay! Happy Easter po!

Kumusta ang bakasyon? Nakapagmuni-muni ka ba? O nagbabad nang husto sa beach o sa swimming pool? Kumusta ang mga kamag-anak sa probinsiya? Saan ka man ga­ling, siguro naman ay napreskuhan ang iyong katawan, isipan at kaluluwa.

Kaya naman sa pagbabalik mo sa mundo ng negosyo, iiklian ko lang ang pitak na ito upang madali mong maisakatuparan ang mga tips na ito upang magtagumpay ka sa negosyo.

Maraming bagay ang dapat pagtuunan ng pansin kung nais palakihin at magtagumpay sa kahit na anong ne­gosyo na iyong itatayo  o naitayo na. Malaking  bagay ang sikap, tiyaga, pagkamasinop, timing sa merkado, magandang produkto o serbisyo, at iba pa.

Bilang isang ne­gosyante, kailangan mo ring humingi ng payo sa mga  eksperto at matuto sa ibang dumaan na sa pagdaraanan  mo pa. Ang mahalaga ay ang pagnanais mong patuloy na umunlad ang  ne­gosyo.

#1 Pangasiwaan ang pakikipagsapalaran

Ang susi sa pagnenegosyo at pagtatagum­pay  rito  ay ang pagsiyasat at  pag-aaral sa mga bagay na maaaring ikapahamak o ikalugi mo. Una, isa-isahin ang maaaring ikonsidera bilang panganibayon sa mga gawain mo at ng mga tauhan mo, mga transaksiyon, at gayundin ang mga pinanggaga-li­ngan ng supply. Kausa­pin  ang mga piling tao sa negosyo sa loob man o sa labas nito. Tingnan kung  gaano ka kalapit sa sakuna o kung malayo na-man ay kung ano pa ang dapat mong gawin para malayo sa panganib ang negosyo.

Ok lang naman ang makipagsapalaran sa negosyo. Kasama ‘yan sa tagumpay. Ngunit ayusin lang ang pangangasiwa rito dahil marami  namang paraan para maiwasan ang pagkalugi o pagkatalo sa negosyo. Sa huli, mabuti na ‘yung handa kaysa sa mabibigla  ka na lang.

#2 Pagplano sa negosyo

Malaking oras ang iginugugugol sa pagpaplano para sa negosyo. Maraming mga bagay ang pinag-aaralan para lamang maisakatuparan  ito nang tama.

Balikan mo ang iyong Business Plan. Tingnan mo kung nasaan ka na at kung ano pa ang gagawin para maisakatuparan ang kaila­ngan. Paano na-man kung kailangan mo na ring  ibaling ang pansin sa ibang bahagi ng negosyo o industriya? Paano kung nagbago ang panlasa ng kostumer? May gina-gawa ka ba ukol dito? ‘Yan ang ilan lamang sa dapat mong pag-isipan.

Sa aming mga may startup na negosyo, may dalawang uri ng Business Plan. Ang isa ay ang tradisyunal na plano at ang isa ay tinatawag na Lean Startup Plan. Ibig sabihin nito ay maaari mong  ituon ang plano ayon sa laki at estado ng negosyo mo. Kung mag-uumpisa ka pa lang, doon  ka sa Lean Startup Plan. Magsaliksik ka ukol dito kung ito ang sitwasyon mo ngayon.

#3 Pag-aangkop sa negosyo

Kahit gaano kadetalyado ang Business Plan mo, palaging may kailangang ayusin at ikaw na mismo ang minsa’y babaluktot para  lamang maiangkop ang plano sa sitwasyon. Madalas ‘yan mangyari kung biglang kumiki­ling ang merkado sa panahon ng pagtaas ng mga presyo ng gasolina. Dapat napa-ghahandaan mo ang mga katulad niyan. Maaaring ‘di gasolina ang makaaapekto sa negosyo mo, maaaring ang sitwasyon naman ng trapik. Sa panahon ng tag-init, lalo na’t may El Niño, kung nasa agrikultura ka, ano’ng pag-aangkop sa sitwasyon ang ginagawa mo? Pag-isipan ‘yan nang mabuti, kaysa magsisi sa huli.

Anuman ang sitwasyon mo at anuman ang klase ng negosyo mo, tandaan at isapuso ang tatlong bagay na aking nabanggit sa pitak na ito. Ipagdasal lagi ang negosyo dahil ang gabay ng Panginoon ang tanging makatutulong  sa iyo sa anumang sitwasyon.



Si Homer Nievera ay isang technopreneur at consultant sa iba’t  ibang kompanya  na may kinalaman sa tech at digital marketing. Kung nais mong makipag-ugnayan, email mo siya sa [email protected].

 

Comments are closed.