USAPIN sa soft tennis, wrestling at swimming ang sentro ng talakayan sa Tabloids Organization in Philippine Sports, Inc. (TOPS) ‘Usapang Sports’ ngayong Huwebes sa Philippine Sports Commission Executive Room sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex sa Malate, Manila.
Ang kahandaan ng Philippine Soft Tennis Team sa mga torneo sa abroad, gayundin ang resulta ng Korea-Philippines dual meet kamakailan ang inaasahang bibigyang pansin nina coach Divine Escala at Mike Enriquez sa lingguhang sports forum sa alas-10:30 ng umaga sa pagtataguyod ng PSC at Behrouz Persian Cuisine.
Magbibigay rin ng mga bagong detalye sa National Team si Wrestling Federation president Alvin Aguilar, ang itinuturing na ama ng ju jitsu at founder din ng Universal Reality Combat Championships (URCC).
Inaasahan ding magbibigay ng kanyang programa ang bagong nahirang na Chief de Mission para sa PH team na sasabak sa World Combat Games ngayong taon sa Saudi Arabia.
Bibigyan naman ng mga bagong detalye ni five-time NCAA Swimming champion coach Darren Evangelista ang inilunsad na ‘Langoy Pilipinas’ swimming series na magsisimula sa Sarangani sa gaganaping Gov. Ruel D. Pacquaio swimming championship sa Pebrero 25-26 sa Sarangani Sports Training Center Swimming Pool sa Alabel.
Inaanyayahan ni TOPS president Beth Repizo ng Pilipino Star Ngayon ang mga miyembro at opisyal, gayundin ang mga sports enthusiast na makilahok sa talakayan na mapapanood via livestreaming sa TOPS Usapang Sports official Facebook group page at sa Channel 8 at 45 ng PIKO (Pinoy Ako) mobile apps.
CLYDE MARIANO