3-STRIKE POLICY NG PNP DAPAT FLEXIBLE – ABALOS

INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos Jr., na dapat umanong maging flexible ang three-strike policy ng Philippine National Police (PNP).

Sa opinyon ni Abalos, maganda naman ang pagpapatupad ng three-strike policy ngunit dapat na magkaroon ng elbow room ang PNP chief.

Paliwanag nito, hindi na kailangan pang hintayin ang three strikes kung tingin ng PNP chief na matindi ang nagawang kasalanan ng kanyang tauhan at maaari itong ipatanggal agad.

Nilinaw naman ni Abalos na hindi pa niya natatalakay ang naturang mungkahi sa National Police Commission (Napolcom) at PNP Command Group.

Kaugnay nito, sinabi rin ni Abalos na kailangan ring rebyuhin at i-update ang mga guidelines sa command responsibility dito.

Kasunod na rin aniya ito ng kaso ng siyam na pulis na rumansak sa bahay ng isang retiradong propesor at anim na pulis na isinasangkot sa pagkamatay ng isang 17-anyos sa Navotas City kamakailan.
EVELYN GARCIA