3 SUGATAN SA RAMBOL

SUGATAN ang tatlo katao matapos magrambulan ang dalawang grupo ng kalalakihan na nag-iinuman sa loob ng isang restobar kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Sa imbestigasyon nina SSg Ernie Baroy at SSg Diego Ngippol, parehong nag-iinuman sa loob ng Medusa Restobar sa Panghulo Road, Brgy. Panghulo ang grupo nina George Maestres, 22-anyos; Joward Dela Torre, 21-anyos; Jimboy Bigkas, 21-anyos at Manuel Angustia, 23-anyos at grupo nina Mike Barcelo, 27-anyos; Jerome Brase, 24-anyos at Nico Brase, 25- anyos.

Naganap ang kaguluhan dakong alas-12:30 ng madaling araw nang bigla na lamang nagkaroon ng argumento ang dalawang grupo hanggang sa mauwi ang mga ito sa rambulan at suntukan na nagresulta sa pagkakasugat kay Maestres, Dela Torre at Barcelo.

Matapos ang pangyayari, isinugod ang mga sugatan sa Valenzuela Medical Center para magamot ang tinamong mga sugat habang nag-uwian naman sa kani-kanilang bahay ang iba pa. VICK TANES