CEBU – TATLO katao ang sugatan nang magbanggaan ang dalawang barko sa Talisay City.
Nakilala ang mga sugatang pasahero ng MV Fastcat M11 na sina Daniel Fuentes, Manuel Veloso at Anacleto Dico Jr. na agad na dinala sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.
Ayon kay Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson Capt. Armand Balilo, dakong alas-8:45 ng gabi nang mabangga ng MV Ocean United ng Oceanic Shipping Lines ang MV Fastcat M11.
Patungong Tubigon, Bohol ang Fastcat nang makasalubong ang M/V Ocean United sa Lawis Ledge sa Talisay City at nagkabanggaan dahilan para masira ang likurang bahagi ng Fastcat kung saan nakaupo ang mga sugatang pasahero.
Ang MV Fastcat M11 ay umalis mula Port of Cebu patungong Tubigon, Bohol sakay ang 70 pasahero at 12 rolling cargoes.
Ayon sa kapitan ng Fastcat na si Captain Mark Dave Pañibon, palabas na sana sila ng Lawis Ledge nang makasalubong ang cargo ship.
Agad namang nakapagresponde ang mga tauhan ng PCG sa insidente upang tulungan ang mga pasahero ng Fastcat na nasaktan ang isa na kinailangang itakbo sa ospital.
Wala namang nakitang pagtagas ng langis sa naganap na banggaan ng dalawang barko. PAUL ROLDAN
Comments are closed.