TATLONG sundalo kabilang ang isang kapitan ng Philippine Army ang sinita at dinampot ng mga tauhan ng Zamboanga City Police Office kahapon ng madaling araw dahil sa walang habas na pagpapaputok ng kanilang baril sa loob ng isang Resto Bar sa Paseo del Mar.
Sa ulat na isinumite ng Zamboanga City Police Office sa kanilang punong himpilan sa PNP- Police Regional Office 9 , kinilala ang 3 tauhan ng Philippine Army Task Force Zamboanga na sina Sgt. Brylle Reyes, 30-anyos, ng Lower Cabatangan, Zamboanga City; Sgt Leonel Espartero, 29, ng San Roque, Zamboanga City; at Captain Adrian Hesta Fernando, 29, na kasalukuyang naninirahan sa Malagutay, Zamboanga City, na dinakip bandang alas 3:30 ng madaling araw dahil sa kasong alleged indiscriminate firing.
Ayon kay Police Lt. Carmen Saquilon ng Police Station 11, bigla umanong nagpaputok ng baril si Espartero habang binabayaran ang kanilang bill kahit wala naman umanong kaaway ang tatlong sundalo.
Agad umalis sa establisimiyento ang mga sundalo sakay ng 2 motorsiklo at binantaan pa umano nila ang isang guwardiya ng Paseo del Mar na pinigilan silang umalis subalit hinabol sila ng mga pulis.
Nabatid na naabutan ang tatlo at nakumpiska ang kanilang mga baril nang sumemplang si Espartero sa harapan ng isang pribadong paaralan at tumama ang kaniyang ulo sa semento.
Kaugnay nito, inihayag din kahapon ni Philippine Army chief Public Affair Office Col Ramon Zagala na nakahihiya ang mga ginawa ng mga nasabing sundalo kung mapatunayan ng PNP investigators na may basehan ang reklamong inihain laban sa kanila.
Dahil sa nakahihiya nilang ginawa, posible umanong masalang sa discharge proceeding ang mga inakusahang sundalo ng indiscriminate firing subalit kailangan dumaan muna sila due process.
Kaugnay nito ay inaantabayan na nang pamunuan ng Hukbong Katihan ang magiging resulta ng isasagawang imbestigasyon ng Zamboanga City-PNP sa kaso ng tatlong sundalo.
Kuwento ni Fernando, si Espartero ang nagpaputok ng baril at hindi na umano nila ito napigilan dahil sa kalasingan.
Dinala sa ospital si Espartero habang sa kulungan naman bumagsak sina Fernando at Reyes. VERLIN RUIZ
Comments are closed.